( you can choose to play the music video while reading my blog. HARANA by Parokya ni Edgar)
Hindi na mapasusubalian ang reyalidad ng buhay na sa pag-usad ng panahon, ang mga tao , gaya na lamang nating mga Pilipino ay nakikisabay rin sa daloy nito. Sa ganitong sitwasyon, ang mga pagbabago partikular na sa aspekto ng ating buhay- lalo na pagdating sa panliligaw ( courtship) , ay hindi maiiwasan. Subalit kinakailangan ba na sa lahat ng pagkakataon, ang mga bagay na ating nakagisnan ay dapat palitan upang makasabay lamang sa mundong makabago? Minsan may mga bahagi sa ating katauhan na dapat panatilihin lalo na kung ito ang pundasyon ng ating pagkakakilanlan at katatagan-- isang halimbawa ang kultura ng mga Pilipino sa panliligaw.
Ayon sa nakasaad sa www.dictionaryreference.com, ang Kultura ay “the sum total of ways of living built by human beings and transmitted from one generation to another”. Kung sa gayon, ang kultura ay nasa tao mismo; nasa mga Pilipino mismo. Kung tayo ay magbabalik-tanaw, ang paraan ng panliligaw ng mga Pilipino ng sinaunang panahon ay isang mahabang proseso. Unang-una sa lahat, sa oras at panahon pa lamang na iginugugol sa panliligaw ng lalaki sa babae ay mayroon talagang katagalan; may umaabot ng ilang linggo, ilang buwan o kaya naman ay ilang taon. Subalit kung ihahambing sa panahon ngayon, hindi pa man natapos ang buong araw, tapos na ang panliligaw. Isa pang kapansin-pansin na kaibahan ay sa kung paano gumagawa ng hakbang o diskarte ang mga nanliligaw sa kanilang mga niligawan. Dati , hindi basta-basta nagkakapit-kamay ang dalawa o kahit akbayan man lamang ng lalaki ang babae o kaya naman ay ikandong ito. Laging may tamang tiyempo para sa lahat at hindi nadadali-dali ang pisikal na kontak ng bawat isa sa harap ng madla. Pero ngayon, kahit bago pa man nagkakilala at nagkita, tila ba’y walang pag-aalinlangang nagmamahalan ang dalawa sa harap pa mismo ng publiko. At kung tutuusin, hindi pa nga sinasagot ng babae ang lalaki sa sitwasyong iyan. Gayundin ang pagkakaiba sa estado ng relasyon ng nanliligaw at sa nililigawan . Noon, ang panliligaw ay hindi sa pagitan ng nanunuyo at sinusuyo lamang; dahil maging ang pamilya at kaanak ng nililigawan ay dapat na isinasama din. Hindi katulad ngayon, na halos dalawang parte lang ang nakakaalam sa mga nagaganap: ang mismong nanliligaw at ang mismong nililigawan.
Kung dahan-dahan nating ilalapat ang konsepto ng kultura ng panliligaw sa mga tunay na nagaganap ngayon, hindi malabong maitanong natin sa sarili kung nasaan na ang kulturang ito sa kasalukuyan. Ngunit ikanga , isa sa mga komon palasi ng pangangatwiran ay ang maling paglalahat. Ibig sabihin, ang mga unang ‘di kanais-nais na nabanggit ay hindi maaring ilapat sa kabuuan. Dahil sa mamarapatin, naisawalang-bahala man ng ilan ang kultura ng mga Pilipino pagdating sa panliligaw, may ilan rin naman napapanatili at napagyayabong nito sa pamamagitan ng pagpasa nito sa bawat henerasyon at konstant na pag-praktis ng nabanggit.
Kahit araw lang ang inabot ng panliligaw, mapapansin naman na ang iba ay ginugugol ito kasama ang kanilang minamahal sa mga parke, simbahan o kaya ay sa bahay mismo. Mula dito, masasabing ang pagiging relihiyoso ng mga Pilipino ay nadadala nila kahit sa panliligaw. Ang pagiging mapagmahal nila sa kalikasan ay kakikitaan ng interes sa pamamasyal sa parke o mga historikal na destinasyon at ang maging ang pagiging “family-oriented” nila ay naisasama sa proseso. Sinyales lamang ito, na nariyan parin at buhay na buhay ang kakayahan ng mga Pilipino sa pagpapanatili ng kultura ng panliligaw sa imahe ng mabisang paraan at maayos na pakikisama.
Kahit hubad man ang ilang mga Pilipino sa pagpapakita ng kanilang nararamdaman sa pamamagitan ng pisikal na kontak, may iilan naman na naisasagawa ito sa pormal na paraan. Gaya na lamang ng pagbibigay ng mga bulaklak ng rosas o kaya ay isang liham. Maaari rin namang ang iba ay ipinagluluto ng masarap na pagkaing-pinoy ang kanilang sinisinta. O kaya naman ay pinagbuburda parin ng ilan ang pangalan ng kanilang mahal kahit sa panyo lamang. Maging sa paghaharana, hindi man talagang sa harap ng bintana, ngunit kapag nakahanap ng pagkakataon para sa masinsinang pag-uusap na sila lang dalawa, kinakantahan ng lalaki ang babae kasabay ng pagigitara nito. Harana na rin iyon kung maituturi.
Karamihan man sa mga Pilipino lalo na ng mga kabataan ay nahilig sa tagong relasyon o ligawan, sa ganitong mga kaganapan, ang mga magulang o nakakatandang henerasyon na mismo ang naghahanap ng paraan. Ang ibang mga magulang, lalo na yaong may isang anak lamang , ay mahigpit pagdating sa ligawan kung kaya’t kanilang mamarapatin na kilalanin ang nanliligaw sa pamamagitan ng pag-iimbita nito ng hapunan sa bahay o kaya ay sa mga ispesyal na okasyon. May ilan rin na nagtatanong pa ukol sa pamilya ng nanliligaw. Sa ganitong daloy, masasabing ang mga Pilipino ay kakikitaan pa rin ng malaking kapasidad sa pagpapanatili ng kultura ng panliligaw.
Nakakatuwang isipin ang ironiya ng kultura sa kalagitnaan ng modernong mundo. Gaya nga ng nabanggit, hindi maiiwasan ang mga pagbabago. Subalit dapat nating isipin , na ang pagbabago ay hindi kailanman kayang burahin ang kultura. Dahil habang nariyan ang mga Pilipino, ang kultura - lalo na sa panliligaw ,ay hinding-hindi mamamatay at mawawala. Mananatili itong buhay sa bawat puso ng mga Pilipino, at mas mananatili itong mag-aalab kung lilinangin ito mismo ng mga mamamayan at panahon. Sadyang mayaman ang Pinoy sa kultura. At hindi nangyari, nangyayari at mangyayari na ipagsawalang-bahala lamang nila ang aspeto ng kanilang buhay na siya nilang buhay mismo. Alam ng mga Pilipino kung ano ang nararapat na gawin: na ang kultura ay dapat na panatilihin!