Kaibigan... Gaano man kapait at katamis ang iyong buhay dati, ngayon, o bukas, gaano mo man kagustong sumuko na lamang at wakasan ang lahat, aminin mo man o hindi---- ayaw mo pa ring lisanin ang mundo sapagkat ikaw ay natatakot. Tama ba?
Kamatayan. Ito ang sentral na tema ng nobelang lubusang nagpaagos ng aking luha at bumago ng pananaw ko sa buhay. Ito ang Tuesdays with Morrie na akda ni Mitch Albom.
Habang pinapagana ko ang aking imahinasyon, sa kalagitnaan ay dahan-dahan kong nilalagay ang aking sarili sa sitwasyon. Ipagpalagay man nating ako ang nasa kalagayan ni Morrie Schwartz, naghihingalo at pisikal na naghihirap, marahil ay nakalimutan ko na kung paano mabuhay. Sapagkat bilang isang taong marupok, isa lang ang alam ko- takot akong mamatay. Ipagpalagay man nating ako ang nasa kalagayan ni Mitch, marahil ay malilito ako kung ano ang nararapat gawin; tama bang malungkot para kay Morrie dahil sa kanyang kalagayan o mali bang maging masaya dahil sa naghihintay niyang kapahingahan.
Alinman sa dalawang sitwasyon, mistulang may nagtulak sa akin upang harapin ang isang tanong. Bakit nga ba tayo takot mamatay?
Sa kalaunan ng aking pagbabasa, natagpuan ko ang mga sagot sa mga karakter mismo. May ibang tao na takot mamatay dahil gusto pa nilang matuto at magturo -katulad na lamang ni Morrie; may iba rin na takot mamatay sapagkat may mga ambisyon pa sila sa buhay na hindi pa nila nakakamit -gaya na lamang ni Mitch. Sa madaling salita, mula sa nobela ay napag-alaman kong takot tayong mamatay dahil may gusto pa tayong simulan, abutin, ipagpatuloy at tapusin ng maayos.
Ngunit hindi lamang dito nagtatapos ang aking pagtataka. Sa isang katanungan na nalapatan ng isang sagot, panibagong tanong ang nabuo sa aking isip. May kanya-kanya tayong dahilan kung bakit ayaw nating mamatay at may sarili tayong proposisyon kung bakit tayo natatakot. Subalit aking nabatid, marahil liban sa mga dahilan na ating pinanghahawakan, mayroon pang ibang puwersa na nagtutulak sa atin kung bakit kinatatakutan natin ang kamatayan. Ngayon ay mas lumalim ang aking tanong: sino ba ang nagsabi sa atin na dapat nating katakutan ang kamatayan?
Sinubukan kong halubugin ang mundong nabuo ni Mitch sa kanyang nobela. Mayroon itong sariling nakapanghihikayat na ideya. Subalit ang mas nakakatuwa ay nakaya kong ipag-isa ang aking ideya at ang konseptong nabuo ng nobela upang masagot ang nasabing tanong.
Sino ba ang nagsabi na dapat nating katakutan ang kamatayan? Mula sa aking napagtanto sa nobela, ang sagot ay ang KULTURA mismo. Nasa kultura ng tao na katakutan ang kamatayan sapagkat ang imaheng binubuo mismo ng bawat henerasyon ukol dito ay madilim -na ang kamatayan ay ang pinakamapait na wakas. Ngunit wika nga ni Morrie, if the culture doesn’t work, don’t buy it . Sa malinaw na paglalahad, malaya kang bumuwag mula sa iyong kultura at isantabi ang nakagawiang paniniwala na kapag dinadalaw ka na ng kamatayan, aalis na ang pag-asa. Kung bubuo ka ng sarili mong kultura, iyon ay kapag dinadalaw ka na ng kamatayan ay mananatili pa rin ang pag-asa---hindi nga lang sa mundong ito, ngunit sa kabilang buhay naman.
Sino ba ang nagsabi na dapat nating katakutan ang kamatayan? Sa aking napagtanto mula sa nobela, ang mga KARANASAN mismo. Habang tayo ay nasa magandang kalagayan pa, walang nakasisiguro sa atin kung sa papaanong paraan tayo mamamatay. Kung ano ang maaari nating mapagdaanan sa nalalabi nating panahon sa mundo, iyon ay hindi natin alam. Kaya tayo natatakot sa kamatayan ay dahil sa hindi tayo nakasisiguro sa mga bagay na ating mararanasan. Ngunit sabi nga ni Mitch, I was astonished by his complete lack of self-pity . Isa lang ang ibig sabihin nito, pwedeng gawin nating halimbawa ang mga napagdadaanang hirap ng iba at mula sa kanila ay nagkakaroon tayo ng ideya. Hindi kailangang pagtuunan ng buong pansin ang paghihirap na kanilang nararanasan. Ang mas nararapat, ay pagtuunan natin ng pansin kung paano nila hinaharap ang kanilang kamatayan- at iyon mismo ang ginawa ni Mitch.
Sino ba ang nagsabi na dapat nating katakutan ang kamatayan? Sa aking napag-alaman mula sa nobela, SARILI natin mismo. Mawawalan ng saysay ang lahat kung sa sarili mo mismo ay wala kang mabuting pinaniniwalaan. Katulad ng sinabi ni Morrie ukol sa tension of opposites, hindi mo kailangang matakot kapag dumating ang panahon na ikaw ay papipiliin sapagkat hindi mo kailangang pumili. Isa lamang ang kailangan mo upang matalo ang takot, iyon ay ang pagmamahal. Wika nga ni Morrie sa nobela, Love wins. Love always wins.
Tunay nga na ang tao ay marupok, natatakot din. Ngunit hindi nangangahulugan na ganoon ka na habambuhay. Katulad nina Mitch at Morrie, kung marunong tayong yakapin ang simula, dapat ay matuto rin tayong harapin ang wakas. Dahil matakot ka man o hindi sa kamatayan, darating at darating pa rin iyan sa ating buhay. Ang punto ngayon ay hindi “kung mamamatay ka ba o hindi” ngunit kung papaano mo haharapin at susulitin ang mga nalalabing sandali ng iyong buhay.
Sadyang ang nobela ay makulay na repleksyon ng isang mala-bahagharing buhay. Kung sakali mang bisitahin ako ng kamatayan bukas o kahit pa ngayon, pipilitin kong panghawakan ang mga natutunan ko mula sa nobelang ito at paulit-ulit kong sasabihin sa sarili : hindi ko kailangang katakutan ang kamatayan.
No comments:
Post a Comment