Sunday, June 3, 2012

MULING PAG-UUSAP


  
Dalawampung taon ang nakaraan
Dalawampung minutong binalikan
Waiter! Waiter! Paorder ng carbonara
"Boy! Boy! Tingnan mo aking saranggola!"

Yes, sir? Isang serve lang po ba?
Teka, teka, namumukhaan kita!
Boy! Boy! Ikaw ba iyan?
Kaylaki ng iyong asenso mula ng ating kabataan!

Oo nga't ako ito, sino ka na nga?
Ramdam ko'y may ala-ala tayo ng pagkabata!
Ngunit 'di ko mawari pangalan mo't mukha
Ikaw  nga ba si Ping na aking kababata?

Tama ka Boy! Ako nga ito
Aba't abugado kana, kaylaking pagbabago!
Hindi ko inaasahan, lugar na ito'y babalikan
Noong tayo'y bata pa, paborito natin itong kainan.

Naalala ko Ping! Ako'y lagi mong nililibre dito
Pagkat dati ako'y hamak lamang na dukha nitong mundo
At ikaw ay napakayaman, lahat ay kayang bilhin
Matatas na pangarap, kayang-kaya mong abutin.

Nasasariwa ko pa, Boy, ang pag-uusap natin noong araw
Habang pinapalipad natin ang saranggola kong bughaw
Ang giit mo sa'kin, ika'y mag-aaral ng mabuti
Ako nama'y walang kibo sa iyong mga sinasabi.

Sampung taon palang tayo noon, Ping
At sigurado akong, ikaw ngayo'y nagniningning
Tiyak bigtime ka na ngayon! Ano bang natapos mo?
Ako nama'y sa trial court nagtratrabaho bilang hurado

Boy, hindi ako nakapagtapos sa kolehiyo
Nalulong ako sa droga at sa lahat ng luho
Kayamanan ng pamilya ay aking winaldas
Kaya ngayon ni di ko maibili ang sarili ng bigas.

Naging iresponsable ako, at umasa sa pera ng magulang
Ako na kanilang anak ay may maraming pagkukulang
Nag-aksaya ako ng panahon, kasama ang marijuana
Alak, babae, sugal, buong buhay ipinusta.

Mapalad ka Boy, nakita mo ang daan
Nagawang mong makaahon mula sa kahirapan
Ako naman ang nalulugmok, gayong ako dati ay mayaman
Kaya eto sa sitwasyong 'di ko pinangarap kailanman.

Ping, kaya lang naman naabot ko ito
Dahil ang pag-aaral ay aking isinasapuso
Sapagkat kami ay mahirap dati at kayo ay mayaman
Tiniis ko ang pait, lahat ay aking pinagsikapan.

Kaybilis ng panahon, kailanlang bata pa tayong nag-uusap
Akala ko'y doktor ka na, ng mawari'y naging waiter ka
'Wag mong ikahiya ang trabaho mong marangal
Kahit papaano'y 'di ka pinabayaan ng Maykapal.

Alam kong malayo ito sa talagang gusto mo
Ngunit ikaw ngayon ang bunga ng sarili mong pagloloko
Ping, 'di pa huli, magsikap muli at ika'y mangarap
Inaasahan kong abot mo na ang tala, sa susunod nating pag-uusap! 

No comments:

Post a Comment