Sunday, June 3, 2012

ANG PAGTATALO NG BARIL AT TINAPAY



Isang sentimo ang pinagmulan.
Para saan kaya ilalaan ng nalilitong si Juan?
Nakikinig sa dalawang panig na nagbabangayan.
Mahigpit ang laban ng bawat pangangailangan.

Ialay mo iyan sa akin, anak !
At ika’y hinding-hindi mapapahamak
Ako ang iyong tanggol mula sa nais manakit
BARIL na sandata, hawakan mong mahigpit.

Halika anak, sa akin ay lumapit
Ika’y mabubusog hanggang sukdulang langit
Ako ang iyong lakas, ang pinagmulan ng enerhiya
TINAPAY ng iyong buhay, kainin ng walang duda.

Aba, aba! Huwag kang padadala
Pagkaing iya’y di ka makakalinga
Aanhin mo iyan kung andyan na ang kalaban?
Wala syang pakinabang, proteksyon ko ang kailangan!

Naku Juan, sinungaling iyang baril !
Kung sikmura’y kumakalam, kumain ka’t wag papigil
At bakit pa matatakot, andyan naman si Uncle Sam?
Hala, pili na ng tinapay na katakam-takam.

Ay ay anak, habang buhay bang magtatago?
Kailangang manindigan, kung hindi, ika’y maglalaho
Baril ang syang sagot sa mapangahas na daigdig
At hindi isang pagkaing kaybilis lumamig!

Dahil ba sa kalye EDSA, baril ba ang pananggalang?
Hindi ba’t tinapay, pagkain sa sundalo’y isinalang?
Ako ang tinapay, sa Diyos na inaalay
At hindi ang isang marahas na baril, na kumikitil ng buhay!

Wala kang karapatan, pagsabihan ako ng ganyan
Ang dagat sa bakuran ni anak, pinag-aagawan
Tingin mo ba ika’y makakapanalo kay Juan sa digmaan?
Kung Tsinoy ang kalaban, BARIL ang dapat hinahawakan!

Ikaw na walang ibang ginagawa kundi ang pumatol sa gulo
Paano pag nagutom si Juan, bibigyan mo ba ng dugo?
Iyong pakakatandaan, dala mo lagi’y malungkot na wakas
At tinapay ang masayang simula, ang nagbibigay lakas!

Nalilimutan mo yata’t bitbit ko ang panibagong bukas?
Kapag baril ang laging tangan, sa panganib ay makakatakas
Juan, tularan mo si Miguel at si McArthur
Mundo’y laging mapagbanta, kaya’t dapat lagi kang handa.

Isang sentimo ang pinagmulan.
Para saan kaya ilalaan ng nalilitong si Juan
Nakikinig sa dalawang panig na nagbabangayan.
Nang dumating ang AKLAT, sa ‘di inaasahan.

Ipagpaumanhin niyo’t ako’y sisingit sa usapan
Kung makapanglait kayo sa isa’t isa, para kayong walang pinag-aralan
Pareho kayong mahalaga at kailangan ni Juan
Subalit sa sitwasyon ngayon, ‘di kayo karapat-dapat pagtuunan.

Musmos pa si Juan, baka nakaligtaan mo, BARIL na mapagmataas
Nais kong ipaalala na may mga bagay na hindi kailangan ng dahas
Kung si Juan ay edukado at diplomatiko, tiyak walang gulo
Kaalaman ang kanyang kailangan mula sa tulad kong LIBRO.

Bata pa si Juan, baka nakaligtaan mo, TINAPAY na nagpapakaluho
Gusto kong ipabatid,  na abunda ka sa bawat pulo
Kung sa karunungan ng pagkatao, si Juan ay sapat
Ano pa’t ang dapat pag-laanan ay ang tulad kong AKLAT.

Maipagtatanggol nya ang sarili kahit walang baril na tangan
Iya’y kapag ikaw anak ay mapamaraan
Mabubusog niya ang sarili hindi lamang sa pisikal
Iya’y kapag ang mga aral anak, sa isip ay ikinikintal.

Kailangan mong matuto hindi sa karahasan
Kailangan mong mag-aral hindi rin sa kabusugan.
Juan, dapat mong pag-laanan ng iyong sentimo
Isang AKLAT na siyang huhubog sa iyong pagkatao.

Isang sentimo ang pinagmulan.
Para saan kaya ilalaan ng nalilitong si Juan
Nakikinig sa dalawang panig na nagbabangayan.
Nang dumating ang AKLAT, siya’y biglang naliwanagan.

Lumakad si Juan sa tuwid na daan
Papunta sa isang gusali sa harapan
Anong establisyemento kaya itong kanyang tutuluyan?
Ayun! Si Juan, PUMASOK SA PAARALAN.

Mga simbolo:
Baril: sandatahang lakas
Tinapay: konsumo sa pagkain
Juan: gobyerno, mga Pilipino
Aklat : Edukasyon
Isang sentimo: Budget, pera
Uncle Sam: Estados Unidos
Dagat sa bakuran: Spratlys Island
Kalye Edsa: ala-ala ng People Power
Miguel at McArthur: mga dayuhan
NGAYONG HUBAD NA ANG MGA SIMBOLONG ITO, MAIINTINDIHAN MO NA KAYA KUNG ANONG IBIG IPABATID SA TULA ??
Mag-isip ka. 

No comments:

Post a Comment